Uuwi na sana galing sa part-time job ang isang 16-anyos na dalagita nang biglang dalhin siya ng driver ng tricycle na kanyang sinakyan sa isang hotel sa Antipolo, Rizal.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, nagawa pang makahingi ng tulong ang biktima sa pamamagitan ng kanilang family group chat.
“Hinila niya po ako. Tapos pumasok po kami doon sa hotel kasi manghihingi po sana ako ng tulong kaso natatakot po ako sa kaniya,” salaysay ng biktima.
Sa imbestigasyon ng barangay, sinabi ng cashier ng hotel na ipinakilalang kasintahan umano ng dalagita ang tricycle driver—isang pahayag na mariing itinanggi ng biktima.
“Pilit itinatanggi na hindi niya kilala ‘yung taong ‘yun. Kaya nagtaka talaga ‘yung cashier… Noong hindi tinanggap ang bayad, sinabi ng cashier na ‘Kapag magpipilit ka, sir, tatawag ako ng barangay,’” pahayag ni Rodila Juliano, Violence Against Women and their Children (VAWC) officer ng Brgy. Mambugan.
Pagkarinig na tatawagan ang barangay, mabilis na tumakas ang lalaki, iniwan ang biktima, at sumakay muli ng tricycle.
Patuloy ang imbestigasyon at pakikipag-ugnayan ng mga kaanak ng dalagita sa mga awtoridad upang mahuli ang suspek at mapanagot sa batas.
![]() |
📷: Contributed photo Screenshot mula sa Unang Balita |
Comments
Post a Comment